BILANGGO

 

 

Ich wohne in meinem eignen Haus,

Hab niemandem nie nichts nachgemacht

Und—lachte noch jeden Meister aus,

Der nicht sich selber ausgelacht.

– Nietzsche, The Gay Science

 

Full moon at walang ulap. Nagkakantahan ang mga lasenggo sa kanto. Pauwi na si X, sakay ng kanyang pedicab, nang potpotan s’ya ng isang Pajerong itim ang mga bintana.

Lalong umagos ang tagaktak na ngang pawis ni X. Nakilala n’ya ang pulang plate number ng sasakyan. Pinakyu n’ya ang driver nito kahapon.

Maihi-ihi, pumasok sa utak ni X ang headline ni Noli de Castro: “Pedicab driver, patay dahil sa away sa traffic!”

Bumaba ang tatlong lalakeng naka-unipormeng pampulis mula sa Pajero. Lahat sila’y nakamaskara: isang pang-Moriones, isang pang-Ati-atihan, isang pang-Dinagyan. Sinikmuraan si X ng Centurion. Binayagan s’ya ng Ati. Hinatak s’ya papasok ng sasakyan ng pangatlo.

Sumigaw si X sa mga lasenggo: “Joshua, Carl, Jose, tulong!”

Ang kanilang sagot: “Goodbye to you my trusted friend. We’ve known each other since we were nine or 10…”

Tuluyan nang ipinasok sa Pajero si X. Sa likuran s’ya inupo. Sa kanan n’ya pumwesto ‘yung Centurion, sa kaliwa ang Ati, may hawak na lapis at papel. Ang pangatlong nakamaskara ang nag-drive.

Ginapos s’ya ng Centurion at Ati. Ginag. Umarangkada ang Pajero.

“Magandang gabi, ginoo,” sabi ng Centurion.

“Magandang gabi rin ho,” sagot ni X. “Mga ginoo…”

Sabay na sigaw ng Centurion at Ati: “Silencio!”

“Gusto ko lang malaman kung ano ang krimen ko,” sabi ni X.

“Hindi mo ba alam?” tanong ng Centurion.

“Hindi ho,” sagot ni X.

“Hindi nila sinabi sa iyo?” tanong ng Ati.

“Hindi. Hindi ho,” sagot ni X. “Sinong ‘sila’?”

“A, problema mo na ‘yun,” sagot ng Ati. Kinamot ni X ang kanyang bayag.

“Tumindig ka nang tuwid!” sigaw ng Ati.

Tumango ang Centurion. “Ang ulo n’ya! Hawakan n’yo ang ulo n’ya!”

“Sinong ‘n’yo’? E isa lang ang kasama mo rito sa likuran!” tanong ni X.

“Baka pati ako kasama?” tanong ng driver.

“Ano? Ano?” tanong ng Centurion.

“Ang krimen ko, ano ang krimen ko?” tanong ni X. Nagwala si X: iyak, tadyak, atungal, sipa.

“Relax lang, relax,” sabi ng Centurion. Mananahimik si X. Tuloy ng Centurion, “O, ano ang nais mong malaman?”

“Ano ho ang krimen ko?” tanong ni X.

“Ang krimen mo! ‘Yun lang pala,” sabi ng Centurion.

“Di mo sinabi agad,” sabi ng Ati.

“Ang krimen ni Mang Serapio,” sabi ng Centurion.

Sabay ang dalawa, “Ang buhay ng tao’y…”

“Hindi ho ako si Mang Serapio,” sabi ni X.

“…lansangan ng hirap…”

“Hindi ho ako si Mang Serapio!” Sigaw na ito.

Mapapatigil ang dalawa. Titigil din ang Pajero.

“Hindi ikaw si Mang Serapio?” tanong ng Centurion.

“Hindi ho,” sagot ni X.

“Hindi ikaw si Mang Serapio,” sabi ng Ati.

“X,” sabi ni X. “X ang pangalan ko.”

“Shit,” bulong ng Ati. “kaya pala bata.”

Nag-huddle ang tatlo sa may driver’s seat. “Anong gagawin natin?”

Hindi marinig ni X ang kanilang mga pinagsasabi. Lumapit s’ya sa mga ito. Walang pumapansin sa kanya, tuloy pa rin ang bulungan.

“Ano na? Magdesisyon na kayo,” sabi ng driver.

“Patayin na lang natin,” sabi ng Centurion. Napa-fetus position si X.

“Daan tayo ng McDo. Kumakalam na ang sikmura ko,” sabi ng Ati. Napatalon sa tuwa si X.

“Itapon natin ang bangkay sa Marikina river, di ba baha ngayon?” sabi ng Centurion.

Umagos ang luha ni X.

“O kaya sa Pizza Hut. Sa may Tomas Morato,” sabi ng Ati. Pumalakpak ang mga tenga ni X.

“Asikasuhin muna natin ‘tong kriminal!”

“Asikasuhin muna natin ang pagkain!”

Bumunot ng baril ang Centurion. Itinutok n’ya ito sa ilong ni X.

Tumigil ang Pajero. Sumubsob sa windshield si X.

“Wala na tayong gas,” sabi ng driver.

Kinaladkad ng tatlo palabas ng sasakyan si X.

“Tingnan mo nga naman ang suwerte,” sabi ng Centurion.

Napaluhod si X.

Naubusan sila ng gas sa tapat ng isang police station.

***

Nakagapos si X sa isang silya. Ang tanging pinagmumulan ng liwanag sa kanyang kinaroroonan ay isang bumbilya. Mula sa kisame ay may naririnig s’yang disco music. Nakapaligid sa kanya ang tatlong lalakeng nakasando. Hindi masigurado ni X kung ito pa rin ang mga dumukot sa kanya, pero pareho lang ang mga suot nilang maskara.

Dahan-dahan silang lumalakad paikot sa kinauupuan ni X.

“Bakit mo pinatay si Aguinaldo?” tanong ng Centurion.

“Sir?” tanong ni X, “hindi ba natural causes ang ikinamatay ni Aguinaldo?”

“Tarantado,” sabi ng Centurion, “ibang Aguinaldo ‘yon! Ang tinutukoy nami’y ‘yung Aguinaldong sundalo muna, tapos naging pulitiko!”

“Kaya nga.”

Napatigil sa paglalakad ang tatlo.

“Alam mo ba kung sino kami?” tanong ng Centurion.

Matagal bago sumagot si X. “Mga pulis?”

Sinuntok s’ya ng Centurion. Hinampas s’ya ng baril niyong Ati.

Tumuloy pa rin sila sa pag-ikot kay X. “Paano mo nasigurado?” tanong ng Ati.

Hindi makasagot si X.

Sinuntok s’ya ng Centurion. Hinampas s’ya ng baril ng Ati.

Tuloy pa rin sila sa pag-ikot kay X. “Hindi mo alam,” sabi ng Ati.

Nagtatanong ang mga mata ni X. “Hindi mo alam,” sabi ng Ati.

“Hindi ko alam,” sabi ni X.

Naglabas ng Coke ang lalakeng nakamaskarang pang-Dinagyan. Pina-inom nito si X. “Good boy,” sabi nito. Napangiti si X.

Tumuloy sa pag-ikot kay X ang tatlo.

“Meron bang buhay pagkatapos ng kamatayan?” tanong ng Centurion.

“Sabi sa Bibliya,” sagot ni X. Agad niyang nalaman na mali ang kanyang sinabi.

Hinubaran s’ya ng tatlo. Pinakagat s’ya sa mga hantik.

“Hindi mo alam,” sabi ng Ati. Tumango si X.

“Meron bang buhay pagkatapos ng kamatayan?” tanong ng Centurion.

“Hindi ko alam,” sagot ni X.

Binigyan s’ya ng Oreo ng lalakeng nakamaskarang pang-Dinagyan. “Good boy,” sabi nito. Napangiti si X.

Tuloy sa pag-ikot kay X ang tatlo.

“Meron bang alien?” tanong ng Centurion.

“Sabi sa X-Files,” sagot ni X. Kagyat n’yang kinagat ang kanyang dila.

Nag-init ng isang icepick sa stove ang Ati. Ipinasok nito ang nagbabagang bakal sa pwet ni X. “Hindi mo alam,” sabi ng Ati.

“Meron bang alien?” tanong ng Centurion.

“Hindi ko alam,” sagot ni X.

Nagtanggal ng sando ang lalakeng nakamaskarang pang-Dinagyan. Babae pala ito, at malaki ang mga joga. Ipinasubo ng babae ang kaliwang suso nito kay X. “Good boy,” sabi ng babae.

“Paano mo malalaman na hindi ka ampon, na ang kinikilala mong ina ay ang pukeng iyong nilabasan?” tanong ng Centurion.

“Hindi ko alam,” sagot ni X.

Nagsuot ng bota ang Ati. Inapakan nito ang bayag ni X. “Walang utang na loob,” sabi ng Ati. “Wala ka bang tiwala sa iyong mga magulang? Hanggang hindi nila sinasabi sa iyo na isang ampon ka lamang, magtiwala ka dapat na tunay ka nga nilang anak!”

Kanang suso naman ang ipinasubo ng babae kay X. “Bad boy,” sabi ng babae.

Tuloy ang pag-ikot ng tatlo. “Sino ang DILG secretary?”

“Si Barbers!”

“Magaling!” sabi ng Centurion.

Isa pang subok,” sabi ng Centurion. “Totoo bang sa Bundok Buntis pinatay si Bonifacio?”

“Opo, nabasa ko ito sa isang libro ng Kasaysayan,” sagot ni X. Pumikit s’ya at hinintay ang magiging parusa.

Naku po, h’wag naman po sanang sobrang sakit!

Diyos ko, tulong!

Ayan na, putang-ina ayan na!

“Mahusay,” sabi ng Centurion.

Hindi makapaniwala si X. Pero nabawasan nang kaunti ang kanyang nararamdamang kaba, takot at sakit. Magmula nang simulan ang interogasyon, ngayon lang s’ya nakahinga nang mabuti.

“Teka muna,” sabi ng Centurion. “Sino ang nagsulat ng librong iyong binasa?”

“Si Sonia Zaide po!”

Kinuryente ng Ati ang titi ni X.

At naging ganoon na nga ang takbo ng mga pangyayari. Sa bawat tanong, ano man ang sagot, may parusa. Pero minsan, bibigyan s’ya ng pabuya. Walang tamang sagot, kahit “Hindi ko alam” ay bawal. Pero para ring walang mali, kahit “Putang-ina mo,” minsan may katapat na gatas.

Totoo bang hoax lang ang moon landing? Inilublob nila ang ulo ni X sa inodorong may tae.

Sino ang ama ng pangalawang anak ni Angelu de Leon? Pinasukan nila ng walis tingting ang pwet ni X.

Paano malalaman ng isang lalake na mahal s’ya ng isang babae? Kinuryente nila ang kanyang ari.

Ano ang ibig sabihin ng buhay? Ano ang ibig sabihin ng tulang “Ako ang Daigdig”?

Ano ang ibig sabihin ng mga katagang, “Beati in regno coelesti, videbunt poenas damnatorum, ut beatitudo illis magis complaceat”?

Tinakpan nila ng basang towel ang ilong at bunganga ni X. Pagkatapos ay hinose nila ito. Nalaman nilang takot s’ya sa dilim kaya’t ipinasok s’ya sa isang baul. Nalaman nilang takot s’ya sa ahas kaya’t pinasok nila ang kanyang kamay sa isang kahong may cobra. Ang bote ng Coke na ininuman n’ya kanina’y ipinasok sa kanyang pwet.

Paano napaibig ni Dolphy si Zsa-Zsa? Bakit gustong gerahin ni Bush ang Iraq?

Hindi na alam ni X kung ano ang nangyayari, kung ano ang totoo at ilusyon, kung ano ang kahapon, ngayon at bukas, kung umiiral pa s’ya o isa na lamang alaala.

Tuloy pa rin ang tatlo. Pinaluhod s’ya ng Centurion. Dapat parallel ang kanyang mga braso sa sahig, sa langit nakaharap ang kanyang mga palad. Tuwid ang katawan, diretso ang tingin. Bawat kilos ay may kapalit na dos por dos.

Kinuha s’ya ng Ati. Pinatayo si X sa harap ng pader. Pinataas ang kanyang mga braso. Bawat galaw ay may hatid na buntot-pagi.

Hindi s’ya pinatulog. Konting tubig lang, walang pagkain.

Apat na gabi ang lumipas. Sa babae s’ya bumigay.

“Handa na akong magsalita,” sabi ni X. Na-excite ang tatlo. Nagpalakpakan ang mga pulis. Nagkamayan at nag-apiran. Pinalibutan si X ng mga ito, upang pakinggan ang kanyang pag-amin.

“Sige, sige, nasaan ka noong Hunyo 13, 1996?” tanong ng Centurion.

Sabi ni X, nasa Pampanga s’ya, kasama si L at C sa isang treasure hunt.

“At saan kayo pumunta pagkatapos?” taong ng Ati.

“Sa Tarlac,” sagot ni X.

“Bakit kayo pumunta sa Tarlac?”

“Papunta kami ng Ilocos.”

“Papuntang Ilocos? Bakit kayo papuntang Ilocos?” Ang Centurion ang nagtanong nito, nakakunot ang noo.

“Para patayin si Abadilla,” sagot ni X.

“Gago! Magsisinungaling ka lang, hindi mo pa ayusin,” sabi ng Centurion. Hinampas nito ang baril sa baba si X.

Ang Ati naman, sinakal si X, habang sinasabi sa kanyang sa Katipunan Avenue pinatay si Abadilla, sa Quezon City, hindi sa Ilocos.

Napakamot ng ulo si X. Hindi s’ya nakakapagbasa ng diyaryo, nakakapakinig ng radyo o nakakapanood ng TV ukol sa mga detalye ng balita. Nasabi lang n’ya ang Ilocos dahil narinig n’ya ang isa sa tatlo na nagsabing dating goberanador doon si Abadilla.

Tuloy ang interogasyon. Tinanong nila kung sino ang kanyang mga kasama sa pagpatay. Kung sinu-sino na lang ang pinagsasabi n’ya. Ang kapit-bahay n’yang construction worker na matagal na n’yang kagalit. Ang kalaguyong pulis ng babaeng nangungupahan sa kabilang apartment. Ang teacher n’yang binigyan s’ya ng 73 kaya s’ya nasipa sa elementarya.

Sa sobrang sakit na kanyang dinanas, nag-imbento na lang s’ya ng kwento. Nagkahalo-halo ang mga pangyayari mula sa mga nabasa n’ya sa diyaryo, napanood n’yang mga pelikula, at mga narinig n’yang tsismis sa kanto. Andaming mga detalyeng walang silbi, puro kontradiksiyon-paikot-ikot pa! Walang kaisahan ang nabuo n’yang storya, pero ok lang ‘yon sabi ng mga pulis (na hindi n’ya alam kung mga pulis nga talaga). Ang pagiging magulo raw ng kwento ni X ang patunay na ito’y totoo.

Isang linggo pagkatapos s’yang dukutin ng mga lalakeng nakamaskara, humarap s’ya sa korte.

***

Nakapila ang mga suspect na huhusgahan ng kalbong huwes. Pangatlo sa linya si X. Isang bigotilyong lalakeng naka-itim ang nasa unahan. Isang matandang may dalang manika ang nasa gitna nila ni X.

“H’wag kang aamin, h’wag kang aamin,” sabi ni X sa kanyang sarili. “Sabihin mong tinortyur ka!” Nakurus s’ya.

“Medel, Winston.” Parang galing balon ang boses ng huwes. Lumapit ang lalakeng bigotilyo.

“You are charged…”

Hindi na nakatapos ang huwes. Naghihiyaw ang lalakeng bigotilyo.

“I did not do it, I did not kill anybody! I was tortured!” Parang si Moses, nakataas nang pa-V ang mga braso ng lalakeng bigotilyo. Namangha ang mga reporter at ibang nakapila.

“Naku, tinortyur pala, kawawa naman.” “Dapat palayain ‘yang lalakeng bigotilyo, wala naman s’yang kasalanan.” “Hindi ‘yan maghihiyaw kung hindi naman s’ya tinortyur. Ang mga pulis talaga, palibhasa’y tamad hanapin ang mga tunay na kriminal, kaya kung sino na lang na madampot ang papaaminin.”

“Order, order!” sabi ng huwes. Hampas ng malyete. Tumahimik ang mga naroon.

“Hindi uubra ang ganyang gimik dito,” sabi ng huwes. “Ikulong ‘yan.”

Dinala ng mga pulis palabas ang lalakeng bigotilyo.

“Naku patay, patay, patay,” sabi ni X sa kanyang sarili. “H’wag kang aamin, h’wag kang aamin. Tarantado kayo wala kayong makukuha sa akin!”

Nabubulog na sa luha si X.

“Alam ko na, alam ko na!” sabi ni X sa kanyang sarili. “Magbaliw-baliwan ka!”

Ang matandang may manika ang sumunod.

“Serapio, Mang,” sabi ng huwes.

“Hindi n’yo makukuha sa akin si Sol,” sabi ng matanda. “Mahal ko si Sol, mahal ako ni Sol. Nagmamahalan kami ng anak ko.” Niyakap ng matanda ang manika.

“Naku, baliw pala, kawawa naman.” “Dapat palayain ‘yang matanda, wala naman s’yang kasalanan.” “Hindi ‘yan maghihiyaw kung hindi naman s’ya baliw. Ang mga pulis talaga, palibhasa’y tamad hanapin ang mga tunay na kriminal, kaya kung sino na lang na madampot ang papaaminin.”

“Order, order!” sabi ng huwes. Hampas ng malyete. Tumahimik ang mga naroon.

“Hindi uubra ang ganyang gimik dito,” sabi ng huwes. “Ikulong ‘yan.”

Dinala ng mga pulis palabas ang matanda. Kinuha ng huwes ang manika.

“Sol!” sigaw ng matanda. “Sol, anak!”

Pero wala nang pumansin sa matanda.

“Naku patay, patay, patay,” sabi ni X sa kanyang sarili. “H’wag kang aamin, h’wag kang aamin. Tarantado kayo wala kayong makukuha sa akin!”

Be smooth.

Cool ka lang.

H’wag kang aamin.

Tinitigan s’ya ng huwes. Sabi nito, “Ikaw ba ang hari ng mga hudyo?”

“Kayo ang may sabi niyan!” sagot ni X.

“Ikulong ‘yan.”

***

Nakulong nga si X. At natagpuan n’yang ang kanyang pang-araw-araw na buhay ay tinatakda ng torotot:

Alas otso sila gumigising. Sa unang tunog ng torotot, tatayo ang mga preso at magdadamit nang tahimik. Bubuksan ng warden ang mga selda. Sa pangalawang tunog ng torotot, dapat nakabihis na ang mga preso at inaayos ang kanilang mga tinulugan. Sa pangatlong tunog ng torotot, dapat pumila sila at lumakad patungong chapel para sa dasal pang-umaga. Limang minuto lamang ang pagitan ng mga tunog ng torotot.

Alas otso y media papunta sila ng banyo, para tumae at maligo. Dito rin nila makukuha ang rasyon nila ng tinapay-isang pan de sal. Pagkatapos kumain, agad silang maggugrupo-grupo para sa trabaho sa likod-bahay.

Sa likod-bahay naroon ang warden, may dalang buntot-page. Lalapit sa kanya ang lider ng bawat grupo, at iuutos n’ya ang gagawin nila. Ang iba’y magbubunot ng damo. Ang iba naman, gamit ang ilang lawn mower, maggugupit ng damo. Ang iba’y magtatanim ng damo.

At ang mga matitira, ‘yung mga anak ng congressman at mayor, magdadamo.

Alas dose tutunog muli ang torotot. Titigil sa trabaho ang mga preso at babalik sa banyo. Dito sila magtatanghalian. Pag Lunes, sinigang; Martes, tinola; Miyerkules, nilaga; Huwebes, adobo; Biyernes, inihaw; at sa Sabado, depende sa trip ng warden, Chickenjoy o kaya Nissin Cup Noodles. Pag Linggo walang trabaho, kaya walang tanghalian ang mga preso.

Ala una tutunog muli ang torotot. Balik sila sa likod-bahay, balik sa damo.

Alas tres, three o’ clock habit. Pagkatapos, merienda. Laging Tortillos at Zesto ang ibinibigay sa mga bilanggo. Bagaman makunat na ang tsitsirya, at hindi malamig inumin, sarapna sarap pa rin sila rito. Sabi ng warden, “To paraphrase Reyes’s Sa Mga Kuko ng Liwanag, ‘Ang babaeng sanay sa hamon, magagalit pag pakainin mo ng daing. Pero ang babaeng sanay sa daing, todo ang pasasalamat pag pakainin mo ng hamon.'”

Minsan, may nagreklamo sa merienda. Pang-aapi raw ang paulit-ulit na pagkain. Kung pwede naman sana, kahit isang araw sa loob ng pito, chippy at Coke ang ibigay sa kanila. Kinabukasan wala ang presong iyon sa likod-bahay, at hindi na s’ya nakita pang muli. Wala nang ibang nagreklamo ukol sa merienda.

Alas kwatro, torotot uli, balik trabaho.

Pagdating ng alas sais ng gabi, babalik na sa selda ang mga preso. Sa unang tunog ng torotot, dapat nakahubad na sila. Sa pangalawang tunog ng torotot, nasa kama na dapat. Isasara na ang selda at mag-iikot na ang mga guwardiya para walang mag-ingay.

Isang buwan pagkatapos makulong, saka lamang naramdaman ni X ang epekto ng tortyur:

Hindi s’ya makatulog. Hindi s’ya makakain. Dumami ang kanyang taghiyawat. Minsan, hindi s’ya makatae. Madalas din s’yang maihi habang natutulog. Buti na lang hindi s’ya nakakatulog, kundi nakakahiya.

Nakakaramdam s’ya ng mga karayom sa kanyang mga kamay. Pakiramdam n’ya’y walang s’yang mga paa, sasabog ang kanyang tiyan, nawawala ang kanyang dila.

Natakot s’yang magsara ng gripo at umupo sa inodoro. Takot na s’ya sa mga bumbilya, upuan, tali at maskara. Marami pa namang ganito sa kulungan.

Sa gabi paulit-ulit n’yang binubulong sa kanyang sarili, “Wala akong ginawang masama. Tinortyur ako. Wala akong kasalanan.” Bad trip tuloy sa kanya ang ibang bilanggo, na hindi makatulog dahil sa lakas ng kanyang mga bulong. Sa umaga sa likod-bahay, pag hindi nakatingin ang warden, bubulungan s’ya ng mga ito, “Ok lang ‘yan, naniniwala kaming wala kang ginawang masama. Lahat naman tayo rito’y inosente, walang kasalanan,” pagkatapos ay babayagan siya.

Minsan nakakalimutan n’ya kung ano ang ano. Halimbawa, sa banyo isang umaga, hindi n’ya malaman kung bakit nagsisihubaran ang kanyang mga kasamang preso. Hindi rin n’ya malaman kung ano ang gamit ng tabo, at namilipit s’ya sa takot nang matalamsikan s’ya ng tubig.

Isang tao ang tumulong kay X sa mga panahong ito, ang kinikilalang Hari sa brigadang kinabibilangan, si Totoy Kikil. Inosente rin ito, tulad ni X. Dinampot noong Martial Law, estudyanteng aktibista kasi. Tinortyur, walang trial-preso agad, hanggang ngayo’y hindi pa pinapalaya. Pinatigas ng kulungan. Maraming natutunan si X kay Totoy Kikil. Ang pinakamahalaga rito’y ang pagsasalita na parang siga.

“Takutan lang ‘yan,” sabi sa kanya ni Totoy Kikil habang nilalangisan ang ice pick nito. “Unahan lang. Kailangang bastos ka rito para igalang.”

Bad trip na bad trip kay Totoy Kikil ang warden, na s’yang pinagrereklamuhan ng ibang preso: panay kasi ang pambubuntal, pangingikil at pambubugbog ng mga kamag-anak ng mga preso ni Totoy Kikil.

Pati mga guwardiya hindi pinapatawad ni Totoy Kikil. Hindi naman s’ya magantihan kasi marami s’yang kakamping preso. Takot makuyog ang mga guwardiya.

Isang araw ay nagdesisyon ang warden na makipagtuos na.

“Bakit po?” Paangil ang salubong na ito sa kanya.

“Sabi kasi ng mga kasama mo inaaway mo sila,” mahinahong sabi ng warden.

“Kung may reklamo po sila, sa akin nila sabihin!”

“Mali ‘yan; ayaw ko ‘yang mangyari dito. Dapat kayong magkasundo kasi magkakasama kayo rito. Ayaw ko ang ginagawa mo. Ayaw ko iyon, kasi mali!”

“Bakit po mali? Patigasan lang naman po ng titi maski saan, a. Pataasan ng ihi!”

Pinaligaran ang dalawa ng ibang mga preso. Alam ng warden, kung papabastos s’ya, ang susunod pati ibang preso hindi na s’ya igagalang. Kailangan n’yang banatan ang sisiga-sigang ito.

Itinanong ng warden pagkailang sandali, “Ang sinasabi mo, ‘yong dating tigas mo sa labas, sa laya, ay siya mo ring tigas dito sa bilangguan?”

“Po? Tigas ko sa labas? Teka warden, sino bang hinahanap n’yo?”

Sa sansaglit, naglapat-titig sila; at biglang-biglang, lumipad ang kanang kamao ng warden padako sa mukha ng preso. Hindi naging inspektor ng bilangguan nang pagayun-gayon lamang ang warden, at sa edad niyang maglilimampu’t lima na, hindi marahil inaasahan ninuman na eksperto siya sa judo, taekwando, taebo, basketball at iba pang bayolenteng aktibidad.

Pinilipit ng warden ang braso ng preso, pagkatapos, pinin n’ya ito. Tinanggal ng warden ang kanyang sinturon at pinagpapalo n’ya ang preso nang parang isang bata.

Dapa sa semento, tulo laway luha uhog, nagsisigaw ito:

“Patayin na ninyo ako! Patayin ninyo ako!”

Tuloy naman sa pamamalo ang warden, enjoy na enjoy s’ya rito. Tinigasan s’ya; para rin palang pakikipagtalik ang pananakit.

Hampas, hah, hah.

Umm! Sige pa, sige pa!

Ayan na!

Nang labasan, tinamad na ang warden, at sinimulan na n’ya ang kanyang talumpating hinalaw mula sa isang maikling kwento ni Rogelio Ordoñez:

“‘Toy, ayoko sanang gawin ‘yan sa ‘yo, napilitan lang ako,” sabi ng warden. Huminga ito nang malalim, hingal na hingal at pawisan sa ginawa. “Pero bad trip ka e. Binubugbog mo ang mga kosa mo. Ako ang tatay n’yo rito sa preso, isa tayong malaking pamilya. Bilang tatay, ako lang ang maaaring mambugbog. Naiintindihan mo Totoy Kikil?”

“Wa-warden.” Walang lakas ang boses ng preso.

“Sige, humingi ka ng tawad.”

“Wa-warden.” Mawawalan na ito ng malay. “Hindi po ako si Totoy Kikil. Si X po ak-“

“Ay yawa! E nahan-” hindi na natapos ng warden ang kanyang sinasabi. Mula sa kanyang likod ay sinunggaban s’ya ni Totoy Kikil, may hawak na ice pick.

***

Sa sumunod na araw, pinasok ng mga preso ang likod-bahay at natagpuan nilang wala roon ang warden. Ang ibang preso’y nagsimulang magtrabaho, ang iba nama’y likas na tamad at nagsiupuan lamang.

Nang biglang magsalita ang isa sa mga preso. “Magtrabaho man kayo o hindi, pare-parehas lang ‘yan. Alam n’yo ba kung bakit wala si warden dito? Naghahanda s’ya ng mga sandata, paparusahan kayong lahat! Alam na n’ya ang mga lihim n’yo-meron s’yang espiya rito. Pero makinig kayo, mali ang pagkakakilala n’yo sa akin. Ang katotohana’y ito: ako ang representative ng bugtong na anak ng warden, na mas mahal pa n’ya kaysa kanyang sarili. Maaari ko kayong tulungan, pero makinig: iyon lamang sa inyong naniniwala talaga ang aking ililigtas. Ang mga walang pananampalataya, bahala kayo sa parusa.”

“Nakow,” sabi ng isang matanda. “H’wag mo nga kaming tarantaduhin. Kung tunay ka ngang representative ng anak ng warden, bakit ka nakakulong dito kasama namin?”

“Ako man,” sabi ni Totoy Kikil, “hindi naniniwala sa iyo. Paanong magkakaroon ng anak ang warden e baog ‘yon?”

“Teka, teka,” sabi ni X. “Kung ikaw ang representative ng anak ng warden, at ang sabi mo’y alam n’ya ang aming mga lihim dahil sa pag-iispiya, malamang ikaw ang espiya n’ya. Mga kasama, bugbugin natin ang kumag na ito!”

“Oy, oy, kayo naman,” sabi ng presong nagsabing s’ya ang representative anak ng warden, “kayo naman o. Jino-joke ko lang kayo, hindi naman ako representative ng anak ng anak ng–“

“Anak ng puta.”

Pinaligiran s’ya ng mga preso at hindi na pinagsalita. Pinagsisipa’t pinagsusuntok s’ya ng mga ito.

Ilang minuto ng pambubuntal ang nangyari bago dumating ang mga guwardiya.

“Ano ba kayo,” sabi ng isang guwardiya. “Bakit kayo nag-aaway sa araw na ito?”

“Oo nga,” sabi ng isa pa. “Wala kayong galang sa patay.”

“Patay?” tanong ni X.

“Ang warden, patay na ang warden,” sabi ng pulis. “Natetano sa ice pick ni Totoy.”

Nagtawanan ang mga bilanggo. “Paano ba ‘yan,” sabi ni Totoy Kikil sa presong kanilang binugbog, “patay na ang tatay. Siguro sa anak ipapamana ang posisyo. E di ikaw na representative ng warden?” Hagalpakan ang mga ito.

“Maniwala kayo sa hindi, ako ang representative ng kanyang anak,” sabi ng lalakeng ito, bagong-bungal at iika-ika, “at tototohanin ko ang aking sinabi. Ang maniwala sa akin ay maliligstas.” Tumigil ang mga preso sa tawanan at binugbog na lang nila ito uli.

***

Pagkatapos ng isang taon, sa ika-tatlumpong kaarawan ni X, pumunta ang dalawang lalake sa kanyang selda. Nakasuot ang dalawa ng top-hat (‘yung pang-karnibal) at tuxedo; isang mataba at isang matangkad. Dadalhin s’ya ng mga ito sa execution chamber.

Papunta roon ay pinagkaguluhan ng mga reporter si X.

“Meron ka bang gustong sabihin sa iyong pamilya, sa Pilipinas, sa buong mundo?” tanong ng taga-Channel 3.

“Sang-ayon ka ba sa gagawin nilang pagpatay sa iyo?” taong ng taga-DZUZ.

“Masarap ba sa bilangguan?” tanong ng taga-Philippine Collegian.

Nagtakip ng mukha si X, alam n’yang hindi s’ya telegenic. “I. Did not kill. Anybody!” Pinasok na s’ya sa execution chamber.

Inihiga ng dalawang nakatop-hat sa mesa si X. Naglabas ang mataba ng injection. Inihagis n’ya ito sa matangkad. Pagkasalo ng matangkad sa injection, inihagis n’ya ito pabalik sa mataba. Nagpatuloy ang larong ito hanggang sa matanto ni X na dapat niyang agawin ang injection at iturok ito sa kanyang sarili. Sinimulang kantahin ng dalawang naka-top hat ang “Ironic” ni Alanis.

May nakitang kislap si X, at anino ng isang tao.

Sino kaya iyon? Taga-FLAG? Taga-Amnesty International?

Meron bang natagpuang mga argumentong magliligtas sa kanya?

Sigurado naman siguro. Wala naman s’yang kasalanan, hindi s’ya dapat makulong.

Meron bang huwes? Korte suprema?

Meron akong gustong sabihin. Itinaas ni X ang kanyang kaliwang kamay.

Pero sinasakal na s’ya ng matabang lalake, at itinurok na sa kanya ng matangkad ang injection. “Parang aso sa dog pound sa Marikina!” sabi ni X, at siya’y namatay.

 

 

Mondo Marcos, inedit nina Rolando Tolentino and Frank Cimatu (Mandaluyong City: Anvil Publishing Inc., 2010).